Ang
Bagyo sa Dagat
13 Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari
na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. 14 Ngunit
di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hanging mula sa
hilagang-silangan. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami
makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Nang makakubli kami sa
isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang barko, ngunit
nahirapan kami bago nagawa iyon. 17 Nang maidaong ito, tinalian nila ng
malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng
Sirte, kaya't ibinaba nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. 18 Patuloy
na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang
mga kargamento. 19 At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan
ng barko. 20 Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin
humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang
makakaligtas pa.
21 Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at
nagsalita, "Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis
sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganito. 22 Ito ngayon ang payo ko,
lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya
nga lamang, mawawasak ang barko. 23 Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel
ng Diyos, ang Diyos na sinasamba ko at pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya sa
akin, 'Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang
sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.' 25 Kaya,
tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari
ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. 26 Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang
pulo."
27 Pagkalipas ng dalawang linggo sa gitna ng dagat, napadpad kami sa Dagat
Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga marinero na nalalapit na
kami sa pampang. 28 Sinukat nila ang tubig at nakitang may apatnapung metro ang
lalim nito; at pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at
nakitang may tatlumpung metro na lamang. 29 Sa takot na sumadsad kami sa batuhan,
inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging
mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga marinero na tumakas mula sa barko kaya't
ibinaba nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan. 31
Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, "Kapag hindi nanatili
sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas." 32 Kaya't nilagot
ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain.
"Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa
at paghihintay. 34 Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas.
Hindi maaano ang sinuman sa inyo!" 35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng
tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang
tinapay at kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. 37 Kaming
lahat ay 276 katao. 38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang
trigo upang gumaan ang barko.
Ang
Pagkawasak ng Barko
39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong
lugar iyon. Napansin nila ang isang dalampasigan, at binalak nilang igawi doon
ang barko kung maaari. 40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at
iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at
itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa
dalampasigan. 41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang
unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak
dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.
42 Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at
makatakas. 43 Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya
pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng
marunong lumangoy upang makarating sa pampang. 44 Ang iba'y inutusan niyang
sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At kaming lahat ay
nakarating sa dalampasigan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento