Daniel
2: 1-49
Ang
Panaginip ni Nebucadnezar
1 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng
masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. 2 Dahil dito,
ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at
astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila,
"Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag
nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip."
4 Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico, a "Mabuhay ang hari!
Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin."
5 Sinabi ng hari sa mga astrologo, "Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo
ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at
ipawawasak ang inyong mga tahanan. 6 Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag
ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na
ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip."
7 Muli silang sumagot, "Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at
ipapaliwanag namin."
8 Sinabi naman ng hari, "Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa
sinabi ko sa inyo 9 na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at
naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa
akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin
ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo
iyon."
10 Sumagot ang mga astrologo, "Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng
iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos
ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap
gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila
namumuhay na kasama ng tao."
12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang
patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang
ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga
kaibigan.
Inihayag
ng Diyos kay Daniel ang Panaginip
14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng
hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng
Babilonia. 15 Tinanong niya ito, "Bakit po nag-utos ng ganito kabigat ang mahal na hari?" At sinabi naman sa
kanya ni Arioc ang dahilan.
16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng
panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si
Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling
niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang
iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia.
19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay
Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang
sabi ni Daniel:
"Purihin magpakailanman ang
pangalan ng Diyos, pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga
kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan; siyang nagbibigay
ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at
kahiwagaan; nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at
pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang, dahil sa kaloob ninyo sa aking
lakas at karunungan, ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam."
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam."
Ipinaliwanag
ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang
patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, "Huwag mo munang
patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang
kanyang panaginip."
25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, "Mahal na
hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag
sa inyong panaginip."
26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, "Masasabi at
maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?"
27 Sumagot si Daniel, "Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi
maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o
manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng
mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga
darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y
natutulog:
29 "Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa
hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga.
30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino
kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang
gumugulo sa inyong isipan.
31 "Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na
rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo
nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang
tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong
bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok
na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos,
nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa
ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng
batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong
daigdig.
36 "Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang
kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay
pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at
karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at
ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay
ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang
pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong
daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa
ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman
ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang
kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik.
42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik:
May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng
pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito
magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa
panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang
kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at
ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman.
Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng
inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik,
tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay
ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak
ang kahulugan nito."
Ginantimpalaan
si Daniel
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang
kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang
alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, "Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila
sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga
hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito." 48 Pinarangalan ng hari si
Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala
sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng
Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at
Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa
palasyo ng hari.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento