1 Corinto 13: 1-13 Ang Pag-ibig
1 Corinto 13: 1-13
Ang Pag-ibig
1 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga
anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang
umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. 2 Kung ako man ay may
kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga,
kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya
na anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman
akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang
lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, a
ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi
maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang
pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. 6
Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang
katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng
pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.
8
Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang
kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, mawawala ang kaalaman,
ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan. 9 Hindi pa lubos ang ating
kaalaman at ang kakayahan nating magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos,
10 ngunit pagdating ng ganap, mawawala na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at
nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na
gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan, tila
malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw
na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko
ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad
ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Kaya't
ang tatlong ito'y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig,
ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento