Huwebes, Hulyo 25, 2013

Efeso 4: Ang Bagong Buhay kay Cristo



Efeso 4:

Ang Bagong Buhay kay Cristo
               17 Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.
               20 Hindi ganyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutuhan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
               25 Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, maghanap siya ng marangal na ikabubuhay para makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo'y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig. 30 At huwag na ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo ng Diyos, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento