Kawikaan 27: 1-27
Kawikaan 27: 1-27
1 Huwag ipagyayabang ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap.
2 Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin.
3 Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang kaguluhang dulot ng kamangmangan.
4 Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang pagseselos ay may ibayong lupit.
5 Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala.
6 May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.
7 Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis kahit ang ampalaya.
8 Ang taong lumayas sa kanyang tahanan, tulad ng ibong sa pugad ay lumisan.
9 Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang
kaibigan ng iyong magulang. Kung ikaw ay nagigipit, huwag sa kapatid
lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong
kapatid.
11 Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa nangungutya man.
12 Alam ng matalino kung may panganib at siya'y
nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
13 Kunin mo ang kasuotan ng sinumang nananagot para sa
iba, at siya ang pagdusahin mo dahil sa pag-ako sa di niya kilala.
14 Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang binibitiwan.
15 Nakakayamot ang asawang masalita tulad ng ulan na
ayaw tumila. 16 Mahirap siyang patigilin, para kang dumadakot ng langis o
pumipigil sa hangin.
17 Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.
18 Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga
niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang
panginoon.
19 Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang iniisip.
20 Ang nasa ng tao'y walang katapusan, tulad ng libingan, laging naghihintay.
21 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit ugali ng tao ay makikilala sa gawa araw-araw.
22 Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang kamangmangan.
23 Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang
mabuti ang iyong kawan. 24 Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga
nasa kapangyarihan. 25 Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa
parang habang hinihintay ang susunod na anihan. 26 Sa mga tupa kinukuha
ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay
maaaring ipambili ng bukid. 27 Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang
kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento