Biyernes, Mayo 22, 2015

EXTENSION OF LIFE "Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na."

EXTENSION OF LIFE "Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na."

2 Hari 20: 1-21
Nagkasakit si Ezequias
(Isaias 38:1-8, 21-22)(2 Cronica 32: 24-26)

               1    Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, "Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan."

               2    Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, 3    "Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan." At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

               4    Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, 5    "Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, 'Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. 6    Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.'"

               7    Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

               8    Itinanong ni Ezequias kay Isaias, "Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?"

               9    Sumagot si Isaias, "Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?"

               10    Sumagot si Ezequias, "Madali sa anino ang umakyat kaysa bumaba ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang."

               11    Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabang sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.
Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia
(Isaias 39:1-8)

               12    Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13    Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

               14    Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, "Taga-saan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?"

               "Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia," sagot ni Ezequias.

               15    "Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?" tanong uli ni Isaias.

               "Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim," sagot ni Ezequias.

               16    Sinabi ni Isaias, "Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17    'Darating ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18    Pati ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.'"

               19    Sinabi ni Ezequias, "Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin." Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Isaias 38: 1-22
Nagkasakit si Hezekias
(2 Hari 20:1-11)(2 Cronica 32:24-26)

               1    Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, "Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na." 2    Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! 3    "O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin." Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.

               4    Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias. 5    Ang sabi sa kanya, "Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: 'Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay. 6    Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.'"

               7    "Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako. 8    Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit." At gayon nga ang nangyari.

               9    Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling:

10    "Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw!
Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak,
upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.

11    At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh
at sinumang nabubuhay sa lupa.

12    Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
inalis na sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko'y pinuputol mo
tulad ng tela sa isang tahian;
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.

13    Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag,
parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan,
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.

14    Tumataghoy ako dahil sa hirap,
parang isang kalapating nakakaawa.
Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas.
O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.

15    Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw,
ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog.

16    "O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo,
ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.

17    Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang.
Iyong iniligtas a ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay,
at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.

18    Ang patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo,
o makakaasa sa iyong katapatan.

19    Mga buhay lamang ang makakapagpuri sa iyo,
tulad ng ginagawa ko ngayon,
at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan.

20    Si Yahweh ang magliligtas sa akin,
kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan.
Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay."

               21    Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Hezekias, at gumaling naman ito. 22    At itinanong ni Hezekias, "Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo ni Yahweh?"


Isaias 39: 1-8
Mga Sugo Mula sa Babilonia
(2 Hari 20:12-19)

               1    Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. 2    Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. 3    Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, "Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?" Sumagot ang hari, "Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia." 4    Nagtanong na muli si Isaias, "Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?" Sinabi ng hari, "Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega."

               5    Dahil dito'y sinabi ni Isaias, "Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: 6    'Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!' 7    Pati ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari." 8    "Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti," sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.

2 Cronica 32: 1-33
Ang Babala ng mga Taga-Asiria Laban sa Jerusalem
(2 Hari 18:13-37)(Isaias 36:1-22)

               1    Matapos isagawa ni Ezequias ang lahat ng ito at ipakita ang kanyang katapatan sa Diyos, ang Juda ay sinalakay ni Senaquerib, hari ng Asiria. Pinalibutan ng kanyang mga kawal ang mga may pader na lunsod at humandang pasukin ang mga ito. 2    Nang makita ni Ezequias ang balak na paglusob na ito sa Jerusalem, 3    sumangguni siya sa kanyang mga pinuno. Nagkaisa silang harangin ang pag-agos ng bukal ng tubig sa labas ng lunsod. 4    Tumawag sila ng maraming tao at hinarangan nga nila ang lahat ng bukal at ilog upang ang mga ito'y hindi pakinabangan ng mga taga-Asiria. 5    Ipinaayos ni Ezequias ang mga wasak na pader at pinalagyan niya ito ng mga toreng-bantayan. Nagpatayo siya ng isa pang muog sa labas nito at pinatatag ang Millo sa Lunsod ni David. Pagkatapos, nagpagawa siya ng maraming mga sandata at kalasag. 6    Ang mga kalalakihan sa lunsod ay ipinailalim niya sa mga opisyal ng hukbo. Tinipon niya ang mga ito sa may pintuan ng lunsod at pinagbilinan ng ganito: 7    "Maging matapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria. Mas malakas ang kapangyarihang nasa panig natin kaysa nasa panig nila. 8    Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban." Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao.

               9    Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem. 10    Ganito ang sabi niya: "Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo? 11    Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria? 12    Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog? 13    Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos? 14    Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos! 15    Huwag kayong magpaloko diyan kay Ezequias. Huwag kayong maniwala sa kanya. Walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanilang bayan sa kamay ko at sa aking mga ninuno. Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!"

               16    Ang mga sugo ni Senaquerib ay marami pang sinabi laban sa Panginoong Yahweh at kay Ezequias na kanyang lingkod. 17    May sulat pa ang hari na lumalait kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang sinasabi: "Hindi maipagtatanggol ng Diyos ni Ezequias ang kanyang bayan laban sa akin, tulad ng mga diyos ng mga bansang walang nagawa sa akin." 18    Ipinagsigawan nila ito sa wikang Hebreo upang matakot at panghinaan ng loob ang mga taga-Jerusalem na nasa may pader ng lunsod. Sa ganitong paraan ay magiging madali ang pagsakop nila sa lunsod. 19    Sinasabi nila na ang Diyos ng Jerusalem ay tulad lamang ng mga diyus-diyosan ng ibang bansa na gawa lamang ng kamay ng tao.

               20    Dahil dito, nanalangin at humingi ng saklolo sa Diyos sina Haring Ezequias at si propeta Isaias na anak ni Amos. 21    Nagsugo si Yahweh ng isang anghel at pinatay nito ang mga pinuno at mga kawal ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwing hiyang-hiya. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang diyos, pinatay siya sa saksak ng sarili niyang mga anak.

               22    Sa ganoong paraan iniligtas ni Yahweh sina Ezequias at ang mga taga-Jerusalem sa kamay ni Haring Senaquerib ng Asiria at ng lahat ng mga kaaway. Binigyan ni Yahweh ng kapayapaan ang buong bansa. 23    Maraming nagpuntahan sa Jerusalem. Naghandog sila kay Yahweh at nagkaloob ng mahahalagang bagay kay Haring Ezequias. Mula noo'y pinarangalan siya ng lahat ng bansa.
Ang Pagkakasakit ni Ezequias at ang Kanyang Kapalaluan
(2 Hari 20:1-11)(Isaias 38:1-8)

               24    Di nagtagal ay nagkasakit nang malubha si Ezequias. Nanalangin siya kay Yahweh at binigyan siya nito ng isang palatandaan na siya'y gagaling. 25    Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem. 26    Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbaba siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias.
Ang Kayamanan at ang Kadakilaan ni Ezequias
(2 Hari 20:12-19)(Isaias 39:1-8)

               27    Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan. 28    Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa. 29    Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos. 30    Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa, 31    maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Ezequias
(2 Hari 20:20-21)

               32    Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Ezequias at ang kanyang mabubuting ginawa ay nakasulat sa Ang Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz at saKasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 33    Namatay si Ezequias at inilibing sa pinakamataas na libingan ng mga anak ni David. Sa pagkamatay niya'y pinarangalan siya ng buong Juda at Jerusalem. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento