https://www.youtube.com/watch?v=fg7DGnrfMCQ
Roma 11: Mga dakilang gawa niya'y di natin
mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
Papuri sa Diyos
33 Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,34 "Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
na dapat niyang bayaran?"
36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
Job 5:
2 Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
3 Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
4 Walang matakbuhan ang kanilang mga anak, walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
5 Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom, kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila. Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
6 Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula, at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
7 Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.
8 "Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan, mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan, mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas, ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira, kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag, kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw,
sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila, iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 "Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot niya ang kanyang nasugatan, pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan, at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan, at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin, maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki; tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay, katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan, pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan."
Job 11:
7 "Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos? Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?8 Higit itong mataas kaysa kalangitan,
at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
9 Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman, mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan, kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.
13 "Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob,
walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan, para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw, ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa; iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama, walang kaligtasan kahit saan sila magpunta, at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa."
Job 37: 1-24
1 Kinakabahan ako kapag bumabagyo,at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2 Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos
mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3 Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan, mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4 Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog, ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5 Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan,
kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6 Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig, ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7 Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain, upang malaman nila kung ano ng kaya niyang gawin.
8 Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9 Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula, at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10 Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig, nagiging yelong matigas at napakalamig.
11 Pinabibigat niya itong mga ulap,
mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12 Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos, sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13 Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos, maaaring parusa o kagandahang-loob.
14 "Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin, ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15 Alam mo ba kung paano niya inuutusan, na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16 Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang? Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17 Hindi mo nga alam!
Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init, kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18 Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag na parang metal na makinis at matigas?
19 Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos, isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20 Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin, bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?
21 "Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin, at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22 May malagintong kaningningan sa gawing hilaga, iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23 Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan.
Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24 Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat, at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak."
Awit 36:
Ang Kabutihan ng Diyos
5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan; ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan; ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag, ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan; doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay, ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.
10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig, patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin, o ang mga masasamang gusto akong palayasin.
12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo! Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento