Genesis
6: 4 Nang panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang
naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao.
Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na
tao noong unang panahon. 2 Nang makita ng mga anak ng Diyos a na ang
mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng
kanya-kanyang asawa. Bilang 13: 31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang
kasama niya, "Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa
atin." 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat
sa kanila. Ito ang sinabi nila, "Malalaking tao ang nakatira doon at
sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita
namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong
lamang kami kung ihahambing sa kanila."
1
Samuel 17: 1-58
Ang Hamon ni Goliat
1 Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop
ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa
pagitan ng Soco at Azeka. 2 Si Saul naman at ang mga Israelita ay
nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban
sa mga Filisteo. 3 Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y
nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis
ang nakapagitan sa kanila.
4 Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo
ng mga Filisteo. Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng
Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga
Israelita na makipaglaban sa kanya. 5 Tanso ang kanyang helmet, gayundin
ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. 6 Tanso rin
ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa
kanyang balikat. 7 Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal
naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan
niya ang tagadala ng kanyang kalasag. 8 Sumigaw si Goliat sa mga
Israelita, "Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang
Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng
ilalaban sa akin. 9 Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat;
ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. 10
Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo
sa akin!" 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang
kanilang loob at sila'y natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa
Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa
katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; Si David ang pinakabata. 13 Sina
Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay
kasama ni Saul sa labanan. 14 Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso
namang si David 15 ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para
alagaan ang mga tupa ng kanyang ama.
16 Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon
ni Goliat ang mga Israelita.
17 Isang araw, inutusan ni Jesse si David, "Anak, dalhin
mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa
iyong mga kapatid na nasa kampo. 18 Ibigay mo naman ang sampung hiwang
kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at
ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay
na galing ka nga roon." 19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni
Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga
Filisteo.
20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin
niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan,
dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa
kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw
pandigma. 21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga
Filisteo. 22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang
dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang
mga kapatid. 23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat
sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig
ito ni David. 24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan
dahil sa matinding takot. 25 Sinabi nila, "Tingnan ninyo siya!
Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya
ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa
prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na
pagbabayarin pa ng buwis."
26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, "Ano raw ang
gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa
makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na
humahamon sa hukbo ng Diyos na buhay?"
27 "Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa
makakapatay sa Filisteong iyan," sagot ng mga kausap niya.
28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang
pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi,
"Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na
pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang
manood ng labanan."
29 Sumagot si David, "Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama
bang magtanong?" 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba,
ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at
ipinatawag niya ito. 32 Pagdating kay Saul, sinabi ni David, "Hindi po
tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang
lalaban sa kanya."
33 Sinabi ni Saul, "Hindi mo kaya ang Filisteong iyon!
Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa
sa kanyang kabataan."
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, "Ako po ang
nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan
ko ay tinatangay ng leon o oso, 35 hinahabol ko po ito at inaagaw ang
tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at
pinapatay. 36 Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po
sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo
ng Diyos na buhay." 37 Idinugtong pa ni David, "Iniligtas ako ni Yahweh
mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa
kamay ng Filisteong iyon."
Kaya't sinabi ni Saul, "Kung gayon, labanan mo siya at
samahan ka nawa ni Yahweh." 38 At ipinasuot niya kay David ang kanyang
kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. 39
Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad,
hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong
kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, "Hindi ko na po gagamitin ang mga
ito." At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma. 40 Pagkatapos,
dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na
bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang
harapin si Goliat.
Natalo ni David si Goliat
41 Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David,
sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. 42 Nang makita niyang si
David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at
43 pakutyang tinanong, "Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo
at may dala kang patpat?" At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan
ng kanyang diyos. 44 Sinabi pa niya, "Halika nga rito at nang maipakain
ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop."
[Pinugutan ng ulo ni David si Goliat guhit ni Gustave Dore] 1 Samuel
17:50 - Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato.
Napatay niya ito kahit wala siyang tabak.
45 Sumagot si David, "Ang dala mo'y tabak, sibat at
pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang
Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. 46 Ngayong araw na
ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at
pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga
mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa
gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. 47 At
makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang
tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa
aming mga kamay."
48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang
sinalubong ni David sa lugar ng labanan. 49 Dumukot siya ng bato sa
kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon
ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. 50 Natalo nga
ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito
kahit wala siyang tabak. 51 Patakbong lumapit si David, tumayo sa likod
ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at
pinugutan ng ulo.
Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang
pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. 52 Sumigaw ang mga kawal ng
Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may
pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo,
mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 At nang magbalik ang mga
Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo
ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. 54 Dinala ni
David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang
tolda ang mga sandata nito.
Iniharap si David kay Saul
55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat.
Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, "Abner, kaninong anak ang
batang iyon?"
"Hindi ko po alam, Kamahalan," sagot ni Abner.
56 "Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,"
utos ng hari.
57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at
sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni
Saul, "Kanino kang anak, binata?"
Sumagot si David, "Anak po ako ni Jesse na
taga-Bethlehem."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento