Ang Paghuhukom
Ang Paghuhukom
31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang
lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32
Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang
pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga
kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa
naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan
niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin
ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35
Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong
pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy.
36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong
dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.'
37
"Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang
nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo
naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming
dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo
at kayo'y aming dinalaw?'
40 "Sasabihin ng Hari,
'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man
ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'
41
"Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa harapan ko!
Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa
kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y
nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo
ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong
ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at
noong ako'y nasa bilangguan.'
44 "At sasagot din
sila, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang
matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin
kayo tinulungan?'
45 "At sasabihin sa kanila ng
Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa
pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.' 46 Itataboy ang mga
ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay
magkakaroon ng buhay na walang hanggan."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento