Tito 3: 1-15 Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano
Tito 3: 1-15
Ang Dapat na Maging Ugali ng mga Cristiano
1 Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga
pinuno at may kapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa
sa paggawa ng mabuti. 2 Pagbawalan mo silang magsalita ng masama laban
kaninuman, at turuan mo silang maging mahinahon at magalang sa lahat ng
mga tao. 3 Noong una, tayo'y mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at
naging alipin ng makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan.
Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng
iba at sila'y kinapootan din natin. 4 Ngunit nang mahayag sa atin ang
kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya
tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag
sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin
ay binago ng Espiritu Santo. 6 Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin
ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si
Jesu-Cristo, 7 upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang
kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong
buhay na walang hanggan.
8 Mapagkakatiwalaan ang
aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga
nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng
mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. 9
Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na
talaan ng mga ninuno, at ang mga pagtatalo at alitan tungkol sa
Kautusan. Ang mga ito ay walang mabuting ibubunga at walang halaga. 10
Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong
lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, 11 dahil alam mong ang ganyang tao ay
masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y
mali.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento