Lucas 15: Ang Nawala at Natagpuang Anak
Lucas 15:
Ang Nawala at Natagpuang Anak
11 Sinabi pa ni Jesus, "May isang tao na may dalawang
anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, 'Ama, ibigay na po ninyo sa
akin ang mamanahin ko.' At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13
Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at
nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng
mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon
ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang
maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho
nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala
namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga
bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya
ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, 'Labis-labis ang pagkain ng
mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18
Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, "Ama, nagkasala po
ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging
anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila."' 20
At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. "Malayo pa'y natanaw na siya ng
kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong,
niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, 'Ama, nagkasala po ako sa
Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.'
22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, 'Madali! Kunin ninyo
ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng
singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang
pinatabang guya at tayo'y magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay
namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.' At
sila nga'y nagdiwang."
25 "Nasa bukid noon ang anak
na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang
tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong,
'Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?' 27 'Dumating po ang inyong kapatid!'
sagot ng alila. 'Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil
ang inyong kapatid ay nakabalik nang buhay at walang sakit.' 28 Nagalit
ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang
ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, 'Pinaglilingkuran ko kayo
sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni
minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para
magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang
anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae,
ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!' 31 Sumagot ang ama,
'Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo.
32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang
kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.'"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento